Ang pelikulang SEVEN SUNDAYS ay isa sa pelikulang Pilipinong nagpapakita ng kasalukuyang kalagayan ng pamilya sa lipunan. Pinupukaw nito ang isipan ng manonood at nag-iiwan ng makadamdaming kaalaman at aral sa buhay na magagamit sa praktikal na aplikasyon bilang solusyon sa mga problema. Ang nasabing pelikula ay mula sa direksyon ni Cathy Garcia Molina na itinuturing na batikang direktor ng pelikulang Pilipino bunsod na rin ng mga dekalibreng palabas na kanya ring pinangunahan. Ito ay nabuo sa produksyon ni Elma Madua sa ilalim ng kumpanyang Star Cinema at inilabas sa Pilipinas noong Oktubre 11 taong 2017. Pinagbidahan ito ng mga kilala at mahuhusay na aktor at aktres na sina Ronaldo Valdez (Manuel), Aga Muhlach (Allan), Dingdong Dantes (Bryan), Cristine Reyes (Cha) at Enrique Gil (Dexter) na sila ring pinakapangunahing mga tauhan sa palabas. Sa kadahilanang ang pelikulang ito ay patungkol sa pagiging matatag ng isang pamilya, layunin ng pagsusuring ito na makabuo at makakalap ng mga nakatagong aral at pamamaraan sa pagtataguyod ng pagpapahalagang ito. Nakatuon ang pelikulang SEVEN SUNDAYS sa suliranin ng isang pamilya, ang pamilya Bonifacio. Si Manuel Bonifacio na siyang ama ng tahanan na isa nang biyudo at naninirahang hiwalay sa kanyang mga anak ay noo’y napag-alamang mayroong sakit na kanser sa baga. Bagamat nangangamba ang kanyang mga anak para sa kanyang kalusugan, pinili na lamangn ni Manuel na hindi magpagamot sa doktor kalaklip ang nag-iisang hiling na “makitta ang kanyang mga anak ng sama-sama sa loob ng pitong lingo bilang nalalabi niyang araw”. Ang ideyang ito ay mariing tinutulan nina Bryan at Cha ngunit sinangayunan naman nina Allan at Dexter kaya’t sa huli ay nanaig parin ang desisyon ng kanilang ama. Ito ang tanging paraang nakikita ni Manuel upang ibalik ang maayos na kalagayan ng kanyang pamilya na simulang nalamatan at rumupok nang mamatay ang asawa nito. Si Allan, ang panganay sa mga anak ni Manuel, ay inilalarawan bilang isang ama na nahihirapang itaguyod ang pinansyal na pangangailangan ng kanyang pamilya. Nagpapakita siya ng pagkairita sa kanyang nakababatang kapatid na si Bryan sa tuwing mababanggit ang usapang pera. Samantala, si Bryan sa kabila ng kanyang katagumpayan sa buhay dulot ng magandang trabaho ay mayroong sama ng loob kay Allan sapagkat ito ang pinakapaborito at laging pinapaburan ng kanilang ama. Sa kabilang banda, si Cha na isa nang nanay sa kanyang tatlong mga anak ay patuloy na namumuhay sa panloloko ng kanyang asawa at pinipili na lamang magbulag-bulagan upang maitaguyod lamang ang kanyang pamilya. Ang bunso naman nilang si Dexter ay mayrooong hinanakit sa kanyang ama at mga kapatid sapagkat sa pakiwari niya’y pinapabayaan siya ng mga ito na naging dahilan ng kanyang pag- iisa mula pa nang siya ay bata. Ang mga magkakapatid sa kabila ng kani-kanilang problema at mga alitan ay napilitang sundin ang kahilingan ng kanilang ama at nagsimulang muling pakisamahan ang isa’t-isa.
Sa una ay tila naging maayos ang daloy ng kanilang pakikisama subalit makalipas ang ilan pang araw ay naging mainit na ang mga tagpo. Dito na simulang nasubok ang kanilang katatagan bilang isang pamilya. Ang pelikulang SEVEN SUNDAYS bilang isang salamin sa kalagayang panlipunan ng pamilyang Pilipino ay tuwirang naglalahad ng mga karaniwang suliranin na kinahaharap ng bawat tahanan. Dinidetalye dito ang mga alitan mula sa pinakamaliliit hanggang sa pinakamasisidhi na di kalauna’y nagdudulot ng malaking pagbabago o dagok sa isang pamilya. Lantaran nitong inihahayag ang tunay na pagpapahalaga sa pamilya sa pamamagitan ng patas na pagtrato at pakikinig sa panig ng bawat isa. Kabilang din sa layunin ng pelikulang ito ang pagtutro ng mga aral kabilang ang pagpapatawad, pagbibigayan, pagkakaisa, pagtutulungan, pag unawa at higit sa lahat ay ang masidhing pagmamahalan na siyang tunay na bumibigkis sa pamilya bilang iisang bahagi ng lipunan na mayroong iisang layunin. Marahil ay ginamit ng pelikula ang pagpukaw sa damdamin sa pamamagitan ng sari-saring emosyon bilang pamamaraan ng pagpaparanas ng reyalidad at malayang pakikiisa ng bawat manonod nito. Hinihikaya’t ng pelikulang ito na itaguyod ang pagiging tapat sa nararamdaman na susi sa bukas na komunikasyon at ang paghingi ng tulong sa oras ng problema na siyang lalong magpapatibay sa iniingatang relasyon. Matutukoy rin sa pelikulang ito ang mga karaniwang suliraning pampamilya/panlipunan na binigyang diin sa kwento. Kabilang sa mga suliraning ito ay ang pagtalikod sa mga magulang matapos magkaroon ng pamilya o makatagpo ng sariling pamumuhay. Ito ay ipinakita sa kalagayan ni Manuel na labis na nangungulila sa kanyang mga anak. Bukod pa rito, ukol sa kalagayan ng kanyang mga anak, mapapansin rin sa pelikula ang lumalalang awayan ng mga magkakapatid bunga ng kakulangan sa pag-unawa at marahil ay dahil na rin sa selos o di kaya’y inggit. Kapunapuna rin ang pagtatanim ng hinanakit ng mga magkakapatid sa isa’t isa na kalauna’y mauuwi sa sumbatan at tampuhan. Ito ay dulot ng kawalang komunikasyon at hindi pagiging tapat sa nararamdaman na siyang karaniwang ugat ng higit na malalang problema.
Bilang kongklusyon, ang pamilya bilang pinakamaliit na bahagi lipunan ay siya ring humuhubog sa bawat miyembro nito. Lubos na mahalaga ang maayos na kalagayang pampamilya at matatag na pundasyon sa pagreresolba ng problema. Dito nahuhulma ang pagkatao ng isang indibidwal maging kung paano niya ipahahayag ang sarili sa kanyang kapwa. Dahil dito, mahalagang pinapangalagaaan ang kalagayan ng bawat miyembro sa loob ng tahanan. Kinakailngang matutunan ang iba’t ibang aspeto na siyang magpapatibay ng isang pamilya na siyang tinuturo ng pelikulang SEVEN SUNDAYS.
Comments
Post a Comment